Hindi ko maintindihan kung bakit parang hindi natural sa karamihan ng Pilipino ang konsepto ng pag-pila (iyong kusang pagpila). Halimbawa, pansinin mo na lamang ang mga tao sa MRT at LRT (well mas sa MRT). Paglabas mo sa pinto ng MRT (lalo na’t galing kang North at lalabas ka sa Cubao), asa ka pang makakalabas ka ng matiwasay. Ang mga tao ay nakasugod na agad pagpasok sa pinto. Wala man lang pilang binuo. Sabog-sabog, kaya’t lalong mahirap ang proseso ng pagpasok at paglabas. Ganun din sa pag-akyat sa escalator. Unahan ang labanan (in fairness, meron parang nababago-bago na rin ito kasi may mga tao talagang iniinsist na kailangang pumila).
Noong lunes, medyo late na akong nakauwi. Pagbaba ng bus, kailangan ko munang sumakay ng pedicab papunta sa amin. Sa tuwing uuwi ako, marami namang mga pedicab. Bihirang-bihara iyong pagkakataon na mauubos ang mga ito at kakailanganing pumila. Nagkataon sigurong umulan nung gabing iyon kaya wala ring mga pedicab.
Pangatlo ako sa pila nang nag-aabang ng pedicab. Sakto namang paparating na ang tatlong pedicab. Siyempre hinintay ko munang makalapit ang pedicab bago ako sumakay. Ang nakakainis nun, hindi pa nakakalapit ang pedicab, iyong lecheng mama sa likuran ko eh sinalubong na iyong pangatlong pedicab (na dapat sasakyan ko). Walang kaabog-abog ay sumakay siya rito habang nakatingin sa akin. Maging iyong driver ay napatingin sa’kin . Malamang alam niya kasing nauna ako dun sa mama. Isa pa, tinitigan ko talaga silang dalawa ng masama. Wala akong panahong makipag-away at dumaldal sa ganung oras ng gabi. Kaya minabuti kong kuhain sila sa tingin.
Akla ko’y hindi umepekto ang aking matalim na tingin dahil tumuloy pa rin iyong pedicab driver sa pagmamaneho ng sasakyan niya. Pero hindi pa sila nakakalayo ay bumalik din ang mga ito patungo sa terminal. Tapos bigla akong tinawag nung driver at sinesenyas na sumakay na ako. Bumaba rin iyong mamang sakay niya. Ang kaso lang, bigla ba namang bumanat, “Sumabay ka na lang sa akin.” Ang akala ko pa naman ay sobrang na-guilty siya sa kanyang ginawa. Iyon pala bahid lang ng guilt. Mano bang bumaba siya’t sabihin niyang sorry at maghihintay na lang siya ng susunod na pedicab.
Natural, lalong nag-init ang ulo ko’t sinabihan ko siyang, “Ay hindi na. Mauna na ho kayo.”
Sana matutunan nating lahat ang konsepto ng pila. Marami kasi sa atin ang mahilig dumiskarte at maningit. Kahit sa branch ng Watson’s kung saan hindi organisado ang pila, ganito rin ang siste. Hindi mauna-una. Kahit una ka kung magaling ako sumingit, ako’ng una. Nakakalungkot na iyong mga nagbibigay ng serbisyo (marami sa kanila) nawala na rin ang konsepto ng pila (o pagsilbihan kung sino ang nauna). Hindi na sila masyadong conscious sa ganun basta matugunan na lang nila ang pangangailangan ng customer. Madalas kailangan mo pang ipagdikdikang ikaw ang na-una.
0 comments:
Post a Comment