Kinailangan kong isalin ang isang PR article mula sa wikang Ingles sa wikang Filipino kagabi. Dati-rati'y hindi ganoon kahirpa para sa aking gawin ang ganitong trabaho. Ilan nga sa mga kaibigan ko ay nakisuyo na dati na magsalin ako nang ilan sa kanilang mga akda/proyekto mula Ingles sa Filipino. At sa katunayan, natutuwa ako sa tuwing ginagawa ko ang ganitong pagsasalin
Nagulat talaga ako kagabi nang bigla kong maramadaman ang hirap sa pagsasalin. Hindi ko maintindihan ang aking sarili ngunit talagang hirap na hirap akong hanapin ang tamang salita o mga kataga na katumbas nung aking sinasaling artikulo. Talagang sumakit ang ulo ko. Marahil na rin siguro ito sa mga terminolohiyang ginamit. Ngunit, nakkaahiya mang aminin ay nagiging mahina na ata talaga ako sa pasusulat sa sariling wika.(Mahirapa ata iyong hirap ka na sa wikang Ingles tapos hirap ka pa sa wikang Filipino).
Karamihan sa atin ay puspusan ang pagsasanay sa pagsusulat sa wikang Ingles. Simple lang naman ang dahilan, kailangan ito sa eskwela, kailangan ito sa trabaho, at kailangan ito upang maging globally competitive (kahit papaano, ang kaaalaman sa pagsusulat sa wikang Ingles ay isang bentahe). Kadalasan tayo'y nagiging masusi kung tama ba ang ating sentence construction, at lalo na ang ating grammar sa tuwing tayo'y magsusulat sa wikang Ingles. Wala namang masama rito. Nararapat lamang ito upang mapagbuti natin ang ating kakayanan sa pagsusulat sa wikang Ingles.
Yun nga lang, dahil sa ating puspusang pagsasanay at pag-aaral, tila nakakaligtaan nan nating magsanay magsulat sa sariling wika. Hindi ba't kahit anong bagay na hindi nagagamit ay maaaring pumurol?
Sa aking wari'y dapat maging patas ang binibigay nating pansin sa pag-sasanay na makapagsulat sa wikang Ingles at Filipino. Wala naman sigurong mawawala kung maglalaan tayo ng panahon upang pag-igihin din ang ating kakayanang magsulat sa ating sariling wika. Bakit hindi natin subukang maging maalam o mas maganda'y maging mahusay sa dalawang wikang ito?
0 comments:
Post a Comment