Pages

Saturday, September 30, 2006

Ang Epekto ni Milenyo

Hindi ko inasahang ganoon katindi ang epekto ni Milenyo. Nagulat ako sa mga nakita ko sa TV nung gabi ng Huwebes. Sobra-sobra pala talaga ang epekto nitong si Milenyo sa kalakhang Maynila. Kahapon, nasaksihan ko ang malupit na epekto nito sa Maynila.

Pagpasok ko sa opisina ay nakita ko ang mga "MMDA on the Road" pink fences sa island ng EDSA na nakatumba. Sa bandang Scout Area at Timog naman ay nakita ko ang naglaglagang mga puno at poste. Walang kuryente sa opisina at sumabog din ang mga pipelines ng tubig sa building. Nang bandang ala-una ng hapon, naglakad kami upang bumili ng pagkain. Napansin namin ang mga posteng nagdedelikadong bumagsak -- mga nakagewang na. Ilang minuto lamang pagkatapos naming bumili ng pagkain, hala! nalaglag na ang isa sa mga posteng nakita namin.

Nagkaroon din ako nang pagkakataong ikutin ang ilang bahagi ng Metro Manila kahapon. Nautusan kasi akong mag-rounds sa mga client at ilang media publications sa aking last day sa office (kwento tungkol dito sa aking ibang post). Nasaksihan ko ang realidad na talagang matindi ang pananalantang dinulot ni Milenyo. Sa bahagi ng New Manila, kung saan mapuno ang lugar, naglalagan din ang mga puno at ilang sanga ng mga puno sa kalsada. Meron ding ilang mga posteng nagba-badyang malaglag. Ganun din ang eksena sa San Juan at Mandaluyong sa may bahagi ng P.Guevarra at Wack Wack area. Naapektuhan din ang Makati. Along Buendia, may mga poste ring nagbabadyang malaglag. May mga puno ring nalaglagan ng sanga.

Maliban sa mga naglaglagang puno ay marami ring mga billboards na natumba. Ilan sa mga ito ay nagdulot ng aksidente at maging nang kamatayan. Ngayon, lumulutang na naman ang isyu sa pagbabawal ng billboard dahil sanhi ng mga aksidenteng naidulot nito. Hindi naman ito dapat ipagbawal sapagkat may dahilan at gamit ang mga billboards na ito. Marahil dapat maging mahigpit sa pagpapatupad ng mga measures at standards (oo magpatupad ng measures at standards kung walang ganito) sa pagtatayo ng billboard.

May mga bagay tulad ng kalimidad na hindi natin mapipigilan. Subalit kung may mga kaukulang pagiingat at kahandaan ay maaaring maiwasan ang ilang kapahamakan. Marahil, dapat isipin ni BF kung talaga bang kailangan ang mga pink fences na may "MMDA on the Road" sa gitna ng EDSA.

It's clean up time! Kailangan nang linisin ang mga nakahambalang na puno at ayusin ang mga naglaglagang poste at nasirang linya ng kuryente maging ng telepono. Sunod dito ay nararapat lang din na magtanim ng mga panibagong halaman/puno kapalit ng mga naitumba ni Milenyo. Nakakalungkot lang isipin na konti na nga lang ang puno sa Maynila ay naitumba pa ang ilan nito ni Milenyo.

*Higit sa mga punong nagbagsakan, mga billboards na bumigay, nga posteng nalaglag... Maraming mga nasaktan at nasawi sa pag-atake ni Milenyo. Basahin: Inquirer at Malaya

0 comments: